Ang a Health Technology Assessment Council (HTAC) ay naglabas ng  paliwanag ukol sa paratang na ang HTAC ang dapat sisihin sa pagkasayang ng mga bakuna laban sa COVID 19. 

Ang rekomendasyon ng HTAC ay nagsisilbing gabay ng gobyerno sa paglalaan ng pondo ng Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). Sinusumite ng HTAC ang rekomendasyon sa Secretary of Health para sa pinal na desisyon ukol sa implementasyon.

Nakabase ang mga rekomendasyon ng HTAC sa masinsinang pagsisiyasat ng mga ebidensya, kabilang na kung ang mga bakuna para sa COVID-19 ay ligtas at mabisa. Dahil dito, kailangan muna ng Emergency Use Authorization (EUA) mula sa Philippine Food and Drug Administration (FDA) bago makapagbigay ng rekomendasyon ang HTAC. 

Hindi kailanman naging dahilan ang HTAC na maantala ang pagbabakuna ng boosters para sa COVID-19. Sa katunayan, ang HTAC ay naglabas ng rekomendasyong aprubado ng Secretary of Health ukol sa first boosters noong ika-03 ng Nobyembre 2021. Ang HTAC ay nagsumite rin sa Secretary of Health ng mga natuklasang ebidensya sa second boosters para sa mga immunocompromised, mga healthcare workers, at 60 taong gulang at pataas noong ika-28 ng Abril 2022, kasunod ng paglabas ng mga EUA nito noong 13 April 2022 at rekomendasyon ng World Health Organization (WHO). Nang naglabas ng updated EUA ang FDA noong 25 July 2022 upang lawakan ang age group ng second boosters para makasama na ang 50 taong gulang at pataas pati na rin mga adult na 18-49 taong gulang na may comorbidities, lumabas din kaagad ang updated na rekomendasyon ng HTAC kinabukasan, 26 July 2022.  

Hindi rin saklaw ng gawain at responsibilidad ng HTAC ang mga negosasyon para sa pagbili ng bakuna, pagtatakda ng presyo, kung ilang doses ang bibilhin at ang distribusyon nito. Ang pag-expire ng mga bakuna laban sa COVID-19 ay hindi sapat na dahilan para dali-daling irekomenda ito ng HTAC para sa second booster. Sa pag-aaral ng HTAC sa ebidensya, higit na makabubuti na paigtingin ang kampanya para sa first boosters dahil sa mababang porsyento ng paggamit dito. Nananatiling bukas ang HTAC sa pagbabago upang mas magampanan nito ang kanyang mandato. Nais lamang ng HTAC ang kung ano ang pinakamainam at ligtas para sa lahat ng Pilipino.

Click here for the English Version to the online document and here for the Document version.


Like and follow our FB page: https://www.facebook.com/htaphilippines

#HTA4UHC

#HTAPhilippines