Health Technology Assessment (HTA) at ang paglilista ng mga gamot sa Philippine National Formulary (PNF)
Nilikha ang Health Technology Assessment Council (HTAC) sa ilalim ng Universal Healthcare Act of 2019 (Republic Act No. 11223) upang masiguro na abot-kaya para sa lahat ang serbisyong pangkalusugan sa bawat Pilipino. Nagbibigay ng teknikal na gabay ang HTAC sa pinakamainam na paggamit ng mga health technology, tulad ng mga gamot. Ang HTAC ang nagbibigay ng rekomendasyon para maisama ang mga gamot sa listahan ng “essential medicines” (mga gamot na tumutugon sa mga pangunahing pangangailangang pangkalusugan) ng PNF, upang ito ay mapondohan ng gobyerno.
Ang mga sumusunod ay ginagamit na batayan ng HTAC sa pagsusuri ng mga health technology at mga gamot na isasama sa essential medicines list:
- Responsiveness to magnitude and severity o ang kakayahan ng gamot na tumugon sa mga malubha at laganap na mga sakit
- Safety and effectiveness o kung ligtas at mabisa ang gamot
- Ethical, social, and health implications o ang mga implikasyon ng pagbili at paggamit ng gamot sa lipunan at kalusugan ng mga Pilipino, kaakibat ang mga etikal na konsiderasyon
- Cost-effectiveness, affordability and viability o kung abot-kaya ang gamot at kung maaari itong pondohan at ipamahagi ng gobyerno sa mamamayang Pilipino
- Household financial impact o ang epekto ng paggamit ng gamot sa gastusin ng sambahayan
Bago masuri at makapagbigay ng rekomendasyon ang HTAC sa isang gamot, ang paggamit at pagbenta nito ay dapat na aprubado ng Philippine Food and Drug Administration (FDA).
Pinag-aralan ng HTAC ang Oral Pre-Exposure Prophylaxis o ang Oral PrEP na binubuo ng Emtricitabine [FTC] 200 mg at Tenofovir Disoproxil Fumarate [TDF] 300 mg FDC. Ang nasabing gamot ay ginagamit upang maiwasan ang posibilidad na magkaroon ng HIV ang isang indibidwal. Ang Oral PrEP ay nabigyan na ng monitored-release Certificate of Product Registration o MR CPR mula sa FDA.
Ano ang human immunodeficiency virus o HIV?
Ang HIV ay isang virus na inaatake ang immune system ng isang indibidwal at paunti-unting pinapahina ang resistensya ng katawan laban sa kanser at ibang sakit. Kung hindi agarang maagapan ang impeksyong dulot ng HIV, maaari itong lumala at maging sakit na tinatawag na HIV Acquired Immune Deficiency Syndrome o HIV AIDS kung saan halos nawawalan na ng resistensya ang katawan. Maaaring makuha ang HIV sa palitan ng mga bodily fluid tulad ng dugo, tamod, breast milk, at vaginal secretions.
Ano ang Oral Pre-Exposure Prophylaxis (PrEP)?
Ang Oral PrEP ay isang tabletang iniinom ng isang beses araw-araw upang mapigilan ang impeksyong dulot ng HIV sa mga indibidwal na may malaking posibilidad na magkaroon nito. Karagdagang paraan ito sa iba’t ibang stratehiya laban sa HIV (tulad ng pagsuot ng condoms). Ang Oral PrEP ay iniinom kapag may madalas o hindi inaasahang pagtatalik, hanggang dalawang (2) araw pagkatapos ng huling pakikipagtalik. Mahalagang hindi laktawan ang pag-inom ng Oral PrEP upang maging mabisa ang gamot. Iniinom ang gamot na ito kasabay nang pagkain o pagkatapos kumain.
Hangad ng DOH National AIDS and STI Prevention and Control Program (NASPCP) na maiwasan ang pagkalat ng HIV at mga sexually transmitted infection o STI. Ang nasabing programa ang mamamahala sa pamimigay ng Oral PrEP sa mga Pilipino.
Ano ang rekomendasyon ng HTAC sa paggamit ng Oral PrEP?
Noong 18 Enero 2022, inaprubahan ng Secretary of Health ang rekomendasyon ng HTAC na isama ang Oral PrEP sa Philippine National Formulary o PNF upang mabawasan ang posibilidad na magkaroon ng HIV ang mga Pilipino.
Ano ang basehan ng rekomendasyon ng HTAC?
Mula sa ebidensyang nakalap, ito ang mga katangian ng Oral PrEP:
- Ligtas at mabisa ito sa pagpigil ng pagkalat ng impeksyong dulot ng HIV.
- Katanggap-tanggap ito sa mga posibleng gagamit nito.
- Hindi nito kaagad maaapektuhan ang pondo ng gobyerno.
- Base sa kasalukuyang enrollment rate ng programa, ito ay abot kaya, at lalo na kung makakakuha ng karagdagang pondo ang programa sa gobyerno.
Dahil sa kakulangan ng datos sa Pilipinas, hindi pa masasabi kung magiging sulit sa gobyerno ang pagbili ng Oral PrEP.
Inirerekomenda ng HTAC ang mga sumusunod para sa DOH at NASPCP kung ipapatupad ang paggamit ng Oral PrEP:
- Subaybayan at suriing mabuti ng Programa (NASPCP) ang paggamit ng Oral PrEP upang magkaroon ng datos sa bisa ng gamot na makabawas ng posibilidad ng impeksyong dulot ng HIV;
- Maglatag ng plano kung paano ibabahagi ang impormasyon tungkol sa mga limitasyon ng Oral PrEP habang pinagpapatuloy ang paghikayat na gamitin pa din ang ibang HIV preventive strategies at hindi lamang umasa sa Oral PrEP;
- Siguraduhin ng DOH ang mataas na kalidad ng pagmamatyag, habang sinusundan ang mga alituntunin ng World Health Organization o WHO, upang masubaybayan at masuri nang mabuti ang mga epekto ng paggamit ng Oral PrEP;
- Maging bahagi ng mga kasulukuyang proseso ng sistemang pangkalusugan ang mga inisyatibo ng Oral PrEP upang mas madaling magamit ng publiko; at
- Palakasin ng Disease Prevention and Control Bureau o ang DPCB, sa pamamagitan ng NASPCP, ang mga sistemang pangkalusugan tulad ng paghahatid ng serbisyo, tulungan ng mga iba’t ibang propesyonal, pagpapadali sa pagkuha ng Oral PrEP ng mga taong nasa kanayunan at mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas o GIDA. Kailangan itong gawin upang maging ligtas at maging patas ang pamimigay ng Oral PrEP sa mga treatment hub sa bansa.
Mga dapat alamin bago gumamit ng Oral PrEP
- Ang mga karaniwang side effects ay ang pananakit ng tiyan, sakit ng ulo, pagsusuka, pagkahilo, panghihina, pagkawalan ng gana kumain, at ang mga karaniwang allergy.
- Kumunsulta sa doktor kung nararanasan ang mga side effects tulad ng malalim at mabilis na paghinga, pananakit ng likod, paninilaw ng balat o mata, pangangati o matinding pananakit ng tiyan, lagnat o ginaw, pananakit ng lalamunan, ubo, rashes, at iba pang mga sintomas ng impeksyon.
- Hindi pwedeng inumin ang gamot kapag may allergy sa kahit anong sangkap nito.
- Kailangang HIV-negative ang iinom ng gamot at regular na nagpapatingin sa doktor.
- Maaari pa ring magkaroon ng HIV ang mga indibidwal kapag sila ay tumigil sa paggamit ng ibang mga HIV-preventive strategy tulad ng paggamit ng condom) at kung ang Oral PrEP lamang ang natatanging ginagamit upang maiwasan ang impeksyon dulot ng HIV.
- Kailangang sabihin sa healthcare provider (doktor, nurse, or midwife) kung mayroon siyang ibang mga gamot na iniinom upang malaman kung ligtas na inumin ang mga ito kasabay ng Oral PrEP.
- Inirerekomenda ang serum creatinine test bago simulan ang therapy ngunit hindi ito dapat maging dahilan sa pagkaantala ng paggamit ng Oral PrEP. Ang serum creatinine test ay isang requirement para sa mga indibidwal na may kondisyong maaaring maapektuhan ang mga kidney tulad ng diabetes o altapresyon. Ang serum creatinine test ay kailangang gawin kada anim (6) na buwan (o kung ano man ang sinabi ng healthcare provider) kapag nasimulan na ang Oral PrEP.
- Karagdagang pag-iingat ang kailangan sa paggamit ng gamot sa mga sumusunod na sitwasyon:
- Posibleng pagbubuntis o kung mayroong planong mag-breastfeed
- Kapag nagmamaneho o nagpapatakbo ng mga makina
- Lactose intolerance (sapagkat ang lactose ay isa sa mga sangkap ng gamot)
Link sa Evidence Summary: Emtricitabine + Tenofovir Disoproxil Fumarate fixed-dose combination as Oral Pre-Exposure Prophylaxis (PrEP) to reduce the risk of sexually acquired HIV infection
Link sa English Version: HTAC GUIDANCE: Oral PrEP for inclusion in the PNF
Sanggunian
Center for Disease Control and Prevention. (n.d.). Truvada Medication Information Sheet. Retrieved from https://www.cdc.gov/hiv/pdf/PrEP_GL_Patient_Factsheet_Truvada_English.pdf
Department of Health (n.d.). HIV, AIDS and STI Prevention and Control Program. Retrieved from https://doh.gov.ph/national-hiv/sti-prevention-program
Riddel, J., Amico, K.R., & Mayer, K. (2018). HIV Pre-exposure Prophylaxis: A Review. The Journal of the American Medical Association, 319(12), 1261-1268.
World Health Organization (2021). Consolidated guidelines on HIV prevention, testing, treatment, service delivery and monitoring: recommendations for a public health approach. https://www.who.int/publications/i/item/9789240031593