Ayon sa rekomendasyon ng HTAC kamakailan, ang emergency na paggamit ng Pfizer-BioNtech COVID-19 Vaccine ay makababawas ng panganib laban sa COVID-19 para sa prayoridad na grupo na nasa edad na 16 na taon o mas matanda.

Pag-unawa sa mga mRNA vaccine

Ang mga messenger RNA (mRNA) vaccine tulad ng Pfizer-BioNTech COVID-19 Vaccine ay may taglay na instruksyon para makagawa ang mga cells ng katawan ng mga spike na protina na bumabalot sa SARS-COV-2 virus. Dahil tinuturuan ng bakuna ang mga cells ng ating immune system kung paano bumuo ng parte ng virus, makikilala na ng katawan ang totoong virus. Makakatulong ito para makabuo ng antibodies ang katawan, na magiging panlaban natin kung sakaling magkaroon ng impeksyon.

Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine sa ilalim ng EUA

Binigyan ng Food and Drug Administration (FDA) ng clearance ang Pfizer-BioNTech COVID-19 Vaccine para sa emergency na paggamit noong 14 Enero 2021. Pinabilis ng emergency na awtorisasyong ito ang proseso ng pag-apruba sa mga bakuna na karaniwang tumatagal nang ilang taon depende sa tagal ng mga clinical trial. 

Batay sa mga datos na mayroon sa kasalukuyan, kayang pigilin ng Pfizer-BioNTech COVID-19 Vaccine ang sintomatikong COVID-19. Kumpara sa naging karanasan sa mga naunang (non-COVID) bakuna, napansin ng mga awtoridad sa kalusugan sa buong mundo ang ilang iniulat na mga side effect, pero walang malaking pinsala o kamatayang nagreresulta sa pagbabakuna. Patuloy na inoobserbahan ng mga mananaliksik ang pangmatagalang bisa at kaligtasan ng bakuna, at ang kakayahan nitong bawasan ang bílang ng mga indibidwal na may mga sintomas at nagkakaroon ng malubhang sakit.

Gayundin, kailangan pa ng karagdagang ebidensya para malaman kung sulit sa gastos ng gobyerno ang bakuna, lalo na sa pagbawas sa posibleng gastos ng mga taong magkakaroon ng COVID-19. Bukod dito, susuriin din ng Health Technology Assessment Council (HTAC) ang mga puwedeng maging benepisyo sa kalusugan, ekonomiya at lipunan ng mga COVID-19 vaccine.

Batay sa mga ebidensiya mula sa mga isinasagawang trial na napag-aralan na ng HTAC, higit na nakakalamang ang benepisyong pangkalasugan ng bakuna kumpara sa posibleng peligro nito sa madaling panahon.

Habang patuloy na may dumaragdag na impormasyon, magpapatuloy din ang HTAC sa pagrerepaso ng mga rekomendasyon nito para makapagbigay ng gabay na nakabatay sa ebidensiya, sa mga policy maker, health provider at publiko.

Basahin ang Evidence Summary: BNT162b2 (Pfizer-BioNTech COVID-19 Vaccine) for the prevention of COVID-19